Wednesday 7 March 2012

Alaalang Malala


Ang trahedya...


          Kaninang umaga, Marso 7 2012, sinubukan kong pumarada sa parking area malapit sa covered courts ng kolehiyo ng Ateneo. Bigla na lamang may sasakyang umatras habang ako'y naghahanap ng lugar kung saan ako maaaring pumarada. Pagkatapos ay bumusina ako nang malakas dahil tatama na ang likod ng kotse niya sa kaliwang bahagi ng sasakyan ko ngunit tumuloy pa rin siya at dahil dito, bumangga ang likod ng kotse niya sa gilid ng sasakyan ko. Noong una'y wala akong narinig na ingay na maaaring nagresulta ng bunggo ngunit noong bumaba ako sa kotse pagkatapos ko makahanap ng bakanteng lugar para pumarada ay bumulaga sa akin ang isang mahabang gasgas. Nainis ako at kinausap ko ang nagbabantay kung napansin ba niya ang kotseng nakabangga sa akin at sinabi niyang hindi raw kaya sinabi ko na lamang sa kaniya na tingnan ang CCTV camera nila para matukoy nila kung sino ang nakabangga sa akin at babalikan ko sila.






          Maaaring wala lamang para sa iyo ang kuwento na ito ngunit kapag ito'y nangyari sa iyo, hindi ba't maiinis ka rin? Oo, siyempre at maiinis ka rin dahil ginasgasan ng isang tao ang sasakyan mo at hindi man lamang humingi ng paumanhin ngunit kapag humingi siya ng paumanhin, papatawarin mo ba?




Magpatawad ka...


          Tinuro na sa atin ng Diyos na dapat nating patawarin ang mga taong nagkasala sa atin. Hindi naman maaaring buong buhay mong hindi patatawarin ang isang tao dahil siguradong gagaan din ang loob mo sa kaniya pagkalipas ng oras. May mga pagkakataon namang hindi mo talaga mapapatawad ang isang tao sa ginawa niya kapag siya'y pumatay o gumawa ng iba pang krimen na malala katulad ng pagpatay pero madalas naman, pinapatawad ng mga tao ang ibang tao. Madaling magpatawad ngunit mayroong mas mahirap gawin sa pagpapatawad at iyon ay ang...




Kumalimot...


          Oo, madaling magpatawad ngunit hindi madaling kumalimot. Halimbawa na lamang ay ang nangyari sa akin. Kapag lumapit sana sa akin ang nakabangga sa akin ay mapapatawad ko siya ngunit siyempre, hindi ko na makakalimutang ginawa niya iyon. Bakit nga ba? Ito'y dahil sa mga markang iniwan niya sa kotse ko. May mahabang gasgas na ang kotse ko at ito ang nagiging palatandaang hindi na mabubura ang ginawa niya sa sasakyan ko. Hindi lamang sa kotse nangyayari ang mga bagay na ito. Ang isang halimbawa pa ay ang pag-ibig.


          Sa pag-ibig, gagawin mo ang lahat para maging kabiyak mo ang minamahal mo. Sabihin na nating naging kabiyak mo na ang ginugusto mo dati pa. Bigla mong nalamang nakikipagkita na pala ang kabiyak mo sa ibang lalaki o babae. Masasaktan ka nang bongga, hindi ba? Siyempre, hindi kayo mag-uusap nang matagal dahil nasaktan ka niya ngunit kapag tumagal, mapapatawad mo na siya sa ginawa niya sa iyo. Siya'y mapapatawad mo (kahit mahirap para sa iyo) ngunit makakalimutan mo kaya ito? Sa tingin ko'y hindi dahil andiyan ang alaala para ipaalam sa iyong sinaktan ka ng lalaki o babaeng ito.




          Maaaring ganito ang nararamdaman ng mga taong nasaktan sa pag-ibig. Mahirap para sa kanila ang magpatawad at may desisyon silang magpatawad o hindi. Sa tingin mo, isa bang desisyon ang kumalimot?




Kaibahan...


          Ang pagpapatawad at pagkakalimot ay dalawang magkaibang bagay. Ang pagpapatawad ay nangyayari kung gusto mong maging kaibigan pa rin ang gumawa ng mali sa iyo o hindi na. Maaari kang mamili kung gusto mong magpatawad o hindi. Maaari kang mahirapan sa pagpapatawad dahil maaaring malala ang nangyari sa iyo kaya hindi ka makagawa ng desisyon kaagad.


          Para naman sa pagkakalimot, hindi ito isang desisyon. Hindi ka maaaring pumili kung gusto mong makalimutan ang isang bagay o hindi (basta ay wala kang kahit anong sakit para makalimutan ang mga bagay at anesthesia). Ito'y dahil sa alaala mo. Nandiyan lamang ang alaala mo para sabihin sa iyong nangyari itong bagay na ito. Hindi mo ito mabubura kaya palaging nasa utak mo lamang ang pangyayaring ito. Masasabing ang alaala ang permanenteng marka para ipaalala sa iyo na nangyari ang ganitong bagay sa iyo, masaya man ito o malungkot.






Mga huling salita...


         Babalikan ko pa bukas ang nagbabantay sa parking area kaninang umaga para malaman ko ang plate number at ang pangalan ng taong bumangga sa akin. Siyempre, hindi ako mapakali sa nangyaring ito dahil andiyan ang mga gasgas sa sasakyan para ipaalala sa akin na nabangga ako ng isang tao, isang senyales na hindi ko ito makakalimutan. Maaaring humingi siya ng tawad (at dapat niyang bayaran ang nangyari sa sasakyan ko) at siya'y patatawarin ko, pero hindi ko makakalimutan.


          Kung sino man ang nagsabi ng linyang "forgive and forget", ang masasabi ko lamang ay "forgive but you can never forget."








"Forgive your enemies , but never forget their names"
-John F. Kennedy

Geronimo Miguel M. Mantes
Fil12-DD
Ginoong Edgar Samar


-------------------------------------------------------------

Mga Sanggunian:

1. "collision" Physics and Car Collisions image, http://ffden-2.phys.uaf.edu/211_fall2002.web.dir/Rodney_Wehr/webpages/physicsandcarcollisions.htm (accessed March 7, 2012).

2. "tumblr_lewreeuwoR1qfw86ao1_500" Tumblr image, http://arwati.tumblr.com/post/2712028645/forgive-to-forget-forget-to-forgive (accessed March 7, 2012).

Saturday 25 February 2012

Pag titiWala

Para sa aking mga kaklase sa fil12...


          Sigurado naman at nagpasa na kayo ng inyong mga journals at ang iba sa inyo ay maaaring nakatanggap ng +1 na letter grade mula sa ating propesor. Ang iba naman ay maaaring nakatanggap ng mga komentong nagsasabing ayusin pa nang kaunti ang journal at ipasa muli. Ang iba naman ay maaaring nakatanggap ng mga komentong nagsasabing bantayan pa ang pagbabaybay at maaaring hindi na hilinging ipasa muli ang journal na iyon sa propesor.


          Sa tingin ko, ang pinakahuling klaseng komentong nabanggit ko sa itaas ang ayaw na ayaw ninyong matanggap dahil nararamdaman ninyong sayang lang ang oras na inilaan ninyo para gumawa ng journal dahil hindi nabigyan ng +1 na letter grade pero oo nga naman, maaaring hindi kayo naglaan ng sapat na oras para mag-double check kaya ito nagkaroon ng mga pagkakamali.


          Kapag hindi kayo nabigyan ng +1 na letter grade, madalas ay naiinis kayo pero kung titingnan natin ito, para naman ito sa sarili nating kapakanan. Hindi lamang ito tungkol sa pagkakaroon ng +1 na letter grade sa klase dahil tinutulungan din tayo ng ating propesor na mas gumaling sa pagbabaybay para maging matatas tayo sa pagsasalita gamit ang wika natin.




Ang epekto ng maling pagbabaybay...


          Isipin na lang natin kung ano ang mangyayari sa atin kapag hindi natin masyadong binabantayan ang pagbabaybay natin. Para sa akin, may dalawang uri ng epektong makukuha sa maling pagbabaybay at ang dalawang ito ay ang TUWA at INIS.




NAKAKATUWA...


          Sa Pilipinas, madalas nating pinagtatawanan ang mga kamalian ng ibang tao sa pagbabaybay nila at ito ang ilang halimbawang larawan:




MGA HINDI MAINTINDIHAN



          Ano raw? SETBELT? Maaaring isipin natin ang "setbelt" na seatbelt ngunit kapag binasa natin ang "Pls use your SETBELT", maaaring hindi natin ito maintindihan kapag hindi natin alam ang salitang "seatbelt".


          Ngayon naman, "weat paint" ang sinasabi. Kung hindi natin alam ang salitang "wet", maaaring hindi natin maintindihan ang senyas na ito (at maaaring mabahiran tayo ng basang pintura). KADIRI!


MGA NAG-IIBA ANG IBIG SABIHIN


          Sinasabi ng larawang ito na nagbebenta sila ng mga mata. Teka lamang, mga mata? Ano raw? Hindi ba dapat yelo ang ibinebenta nila? Oo, tama, yelo nga ang ibinebenta nila at nagkamali lamang sila ng pagbaybay. Naging nakakatawa tuloy ang ibig sabihin ng larawan dahil hindi karaniwang may nagbebenta ng mga mata.


          Pinapakita sa larawang ito na dapat pumunta sa banyo ang mga trainees at applicants. Ang pangit pakinggan dahil lahat ng mga baguhan at gusto pumasok sa trabahong ito ay dapat magpatuloy sa banyo ng mga babae. Nagiging iba ang ibig sabihin ng larawang ito dahil ang gusto nila sabihin ay sa basement 2 pupunta ang mga trainees at applicants at papunta rin sa kanan ang banyo ng mga babae. Nag-iiba tuloy ang ibig sabihin ng larawan dahil pinagsama ang dalawang lugar sa iisang papel.


          Mayroon din akong isang karanasan na kung saan tinanong ng kaibigan ko kung ano ang gusto ng isang babae sa isang relasyon at nasagot ko sa kaniya'y "pag titiwala" dahil sa Facebook niya ako tinanong. Hindi ko napansing may puwang pala sa gitna ng "pag" at "titiwala" kaya sinabi ng kaibigan ko, "ano? kapag walang titi ang lalaki?" at ako'y natawa na lamang dahil ang ibig sabihin ko ay kailangan ng "pagtitiwala". Naging iba ang ibig sabihin ng salitang iyon dahil sa pagkakamali sa pagbabaybay at ito'y naging nakakatawa. 

*Sinadya kong gawing "Pag titiWala" ang pamagat ng aking journal at hindi iyan pagkakamali para lamang matuwa kayo.


NAKAKAINIS...

          Marami pang ibang halimbawa ng mga taong nagkakamali sa pagbabaybay na nakakatuwa at nagpapasaya sa ating lahat ngunit ang ibang pagkakamali sa pagbabaybay ay nagiging malubha na kagaya ng larawang ito:


          Hindi ba't nakakainis? Mali ang pagbabaybay ng pangalan ng bansa natin. May mga larawang pinagtatawanan natin dahil nag-iiba ang nais nito ipahayag at may ilan namang kinaiinisan natin dahil hindi na nakakatuwa ang ginagawa. Dapat nating alamin kung kailan tayo matutuwa o maiinis sa pagkakamali ng iba.


Mga huling salita...

          Ngayon, alam na natin kung bakit sinasabihan tayo ng "ayusin pa ang pagbabaybay" o "bantayan pa ang pagbabaybay" dahil para ito sa ating kapakanan. Maaari maging nakakatawa ang pagkakamali natin pero maaari ring nakakainis ang mga ito at kaya tayo binibigyan ng mga komentong ganito ay para maiwasang pagtawanan at kainisan ang ating mga gawain. Sana'y tingnan natin ang mga komentong ito bilang isang pagkakataong gumaling pa tayo at hindi bilang isang negatibong komento lamang.

Tip lamang: Kapag hindi mo alam kung papaano baybayin ang isang salita, maghanap ka ng iba pang salitang katulad ang ibig sabihin nito kaya walang patawag kung magkamali ka sa pagbabaybay. :)



"I don't give a damn for a man that can only spell a word one way"
-Mark Twain


Geronimo Miguel M. Mantes
Fil12-DD
Ginoong Edgar Samar

-------------------------------------------------------------

Mga Sanggunian:

1. "tumblr_kxrclsOPvK1qah5wp" Tumblr image, http://wusi.tumblr.com/ (accessed February 26, 2012).

2. "wet paint," Blogspot image, http://comedysite.blogspot.com/2009_02_01_archive.html (accessed February 26, 2012).

3. "JR Lopez Gonzales funny eyes for sale wrong spelling," Blogspot image, http://politikalon.blogspot.com/ (accessed February 26, 2012).

4. "tumblr_kyngq5RywP1qah5wp," Tumblr image, http://wusi.tumblr.com/ (accessed February 26, 2012).

5. "IMG_0019," honeyandrade image, http://www.honeyandrade.com/2011_07_01_archive.html (accessed February 27, 2012).

Saturday 18 February 2012

Ang Pag-iibigang Ma-teknoloHINA

Andiyan ang teknolohiya...


          Lahat ng tao'y may minamahal na iba pang tao (kasama na rito ang mga pari at madre dahil minamahal nila ang Diyos) at sigurado ako rito. Sigurado akong may minamahal ka rin at para makausap mo ang mahal mo ay gumagamit ka ng telepono o ang mas ginagamit ngayon, ang cellular phone. Madalas ay wala ka sa tabi ng mahal mo kaya para maramdaman mong kasama mo palagi ang mahal mo, gagamit ka naman ng video chat na makikita sa Skype, Facebook, at iba pa. Ito'y para makita mo ang mahal mo sa buhay ano mang oras mo gusto.


          Ngayon, sigurado rin akong may Facebook account ka. Marami sa atin ngayon ay may Facebook account na at kaunting tao na lamang ang walang ganito. Ginagamit natin ito para makipag-usap sa mga kaibigan natin sa Facebook at mas lalo naman para kausapin at lambingin ang ating mga crush at mga minamahal.




Mga Kalamangan...


Isang pampagana lamang:



          Pinapakita ng kanta sa itaas na napapadali ng Facebook ang pag-iibigan at pagkakaroon ng relasyon kasama ng ibang tao. Ika nga ng kanta, "Ikaw pala ang tao na nakatakda sa propesiya na makikilala ko nang dahil sa teknolohiya."


          Mabuhay ang teknolohiya! Salamat at dahil sa teknolohiya, nakakakilala tayo ng ibang tao. Salamat din at nakakausap natin parati ang mga mahal natin sa buhay at siyempre, ang mga kasintahan natin (o ang mga taong gusto natin maging kasintahan). Mas napapadali ang pakikipag-usap sa isa't isa at kagaya nga ng nabanggit ko kanina, maaari kayong magkita virtually sa pamamagitan ng Facebook dahil may Skype, isang programang maaari kang mag-video chat, sa facebook.






          Makikita sa imahen sa itaas na may kapangyarihan ang teknolohiya para makopya nito ang mukha ng isang tao sa camera at gamit ang codes, kaya nitong ilipat ang imahen ng mukha ng kausap mo sa kompyuter mo para makita at marinig mo ang kausap mo.


          Dahil dito, halos araw-araw na ikaw kikiligin dahil araw-araw mo na makikita ang kasintahan mo. Araw-araw na kayong pwede makipaglandian sa isa't isa. Hindi ka na tatamarin umalis sa bahay mo araw-araw para puntahan ang espesyal na tao sa buhay mo. NAPAKADALI, hindi ba? Ika nga nila, "Anytime, anywhere."




Mga Kawalan...


          Sandali lamang, tama ba iyong sinabi ko kanina sa ikalawang talata ng journal na ito? 


          "Ginagamit natin ito (Facebook) para makipag-usap sa mga kaibigan natin sa Facebook at mas lalo naman para kausapin at lambingin ang ating mga crush at mga minamahal."


          Para lambingin ang mga taong gusto natin maging kasintahan? Oo, tama iyon. Maraming tao ngayon ay sa Facebook na lamang naglalambingan.


          Oo nga, mas madali naman kausapin ang crush mo o ang kasintahan mo sa Facebook ngunit, ito ba'y makabuluhan? Nagiging mas mababaw ang relasyon ng babae at lalaki kung hindi sila nagsasama at nag-uusap nang personal. Ano ang mas gusto mo, ang imahen sa itaas ng dalawang mukhang nag-uusap virtually, o itong imaheng ito?




          Siyempre, mas pipiliin mo ang imaheng nagkikita talaga ang dalawang tao. Makikita sa imaheng itong mas malakas ang emosyong naipapahayag ng dalawang tao sa isa't isa kaysa sa paraan ng pag-video chat lamang. Maaari rin nating sabihing hugis ang dalawang paraan, ang video chat at personal na pag-uusap. Ang paraang video chat ay 2-dimensional lamang o 2D dahil paningin lamang ang kailangan sa paraang ito. Para naman sa pakikipag-usap nang personal, ito ay 3-dimensional o 3D dahil pandama ang kinakailangang gamitin dito.


          Sa video chat na 2D, makikita mo lamang ang taong kinakausap mo at hindi mo siya maaaring pakitaan ng mga akysong nagpapadamang mahal mo siya. Sa personal na pakikipag-usap na 3D, makikita AT mapapadama mo sa crush o kasintahan mo na mahal mo siya dahil maaari mo siyang halikan at yakapin.


         Makikita nating nagiging mababaw ang relasyon ng magkasintahan dahil nawawala ang kakanyahan ng panliligaw. Sa panliligaw, pinupuntahan ng lalaki ang babae sa bahay niya o kahit man lamang puntahan siya at iparamdam sa kaniyang mahal niya siya. Sa paggamit ng teknolohiya, masasabi kong "dinaraya" ng isang tao ang relasyon niya kasama ng ibang tao dahil mas napapadali ito. Nagiging parang shortcut ito para sa ibang lalaki at dahil dito, naipapakita sa atin ang impresyong hindi na kailangang paghirapan ang pag-ibig para makamit ito.




Ano ang mas matimbang?


          Para sa iyo, ano ang mas papahalagahan mo? Ang maging MADALI para sa iyo na kausapin ang crush o kasintahan mo ngunit magiging MABABAW ang relasyon ninyo o ang PAGPUPURSIGE mong kausapin sa personal ang crush o kasintahan mo para maging MAKABULUHAN ang relasyon ninyo? Sa tingin ko, marami sa inyo ang pipili sa ikalawang opsyon. Siyempre, mas pipiliin nating maging masaya at makabuluhan ang relasyon natin kasama ng isang tao kahit na paghirapan pa natin ito. Katulad ng sinabi ko sa isa ko pang journal, Sic Itur Ad Astra. Huwag mo lamang "pagmasdan ang mga bituin", dapat ay "puntahan mo ang mga bituin" at paghirapan ito.








"Man is the most extraordinary computer of all"
-John F. Kennedy






Geronimo Miguel M. Mantes
Fil12-DD
Ginoong Edgar Samar


                     -----------------------------------------------------------

Mga Sanggunian:

1. floydpals24, "Facebook song tagalog," YouTube video, 4:57, http://www.youtube.com/watch?v=I6Cu7uzBQEQ (accessed February 18, 2012).

2. "images," The Power of Technology image, http://thesethingsare.blogspot.com/2011/06/power-of-technology.html (accessed February 18, 2012).

3. "kevinandthomas011," Meeting with Evan Raskob image, http://gonsalves.anat.org.au/?cat=5 (accessed February 18, 2012).

Monday 13 February 2012

Paglalakad Patungong Kalangitan

Sic Itur Ad Astra...

          Ito ang pamagat ng epilogo ng Hari Manawari na ipinabasa sa amin. Ito ang huling bahagi ng nobelang kababasa ko lamang bago kami kumuha ng aming mahabang pagsusulit kaya ito'y sariwa pa sa utak ko. Natatandaan ko pa rin ito dahil itinanong kung ano ang ibig sabihin nito sa isang pagsusulit at itong tanong na ito ay naulit din sa mahabang pagsusulit kaya dapat alam ko na ang kahulugan nito sa ingles o sa tagalog.


Ano ang ibig sabihin nito?


Publius Vergilius Maro o Virgil

          Ayon sa Google Translate, ang ibig sabihin ng Sic Itur Ad Astra sa ingles ay "So go to the stars" (salamat Google Translate at tinulungan mo ako) kaya sa tagalog, ito'y "kaya pumunta ka sa mga bituin". Gumawa ako ng kaunting pagsasaliksik at nalaman kong ang pariralang ito ay galing kay Ginoong Publius Vergilius Maro o mas kilala bilang Virgil, isang makata noong Augustan period. Ayon sa kaniya, ang ibig sabihin ng Sic Itur Ad Astra ay "Thus you shall go to the stars" na halos kaparehas lamang ng sa Google Translate.

          *nakagawa pa pala ako ng isang tayutay sa itaas. Ito'y isang panawagan at hindi ko inaasahan iyon.


Ano na ngayon?

          Napapansin ko lang namang noong tinanong sa isang pagsusulit kung ang ibig sabihin ba ng Sic Itur Ad Astra ay "look at the stars", marami ang nagsabing tama ito. Sa tingin ko, ito'y dahil hindi sinubukan ng ibang estudyanteng hanapin ang kahulugan ng pariralang ito kahit man sa internet dahil sila'y tinatamad (hindi ako kasama dito dahil nasagot ko ng tama ang katanungan hehe). Kung hinanap nila ang kahulugan nito, siguradong "mali" ang isasagot nila sa katanungang iyon dahil malaki ang pagkakaiba ng "look at the stars" sa "go to the stars".


Ano ang pinagkaiba ng dalawang parirala?

          Oo, malaki ang pagkakaiba ng "look at the stars" at "go to the stars". Sa tagalog, ang "look at the stars" ay "pagmasdan ang mga bituin". Para naman sa "go to the stars", sa tagalog, ito ay "puntahan ang mga bituin". MASDAN at PUNTA. Ano ang mas matimbang para sa iyo? siyempre, ang pagpunta. Ito'y dahil iginagalaw mo ang buong katawan mo papunta sa mga bituin (o maaari nating sabihing ang mga "pangarap" mo, 'di ba?) at hindi kagaya ng pagmamasid na tinititigan mo lamang ang mga bituin. Nakikitang mas dedikado ang isang taong pumupunta sa kaniyang mga bituin o pangarap kaysa sa mga taong pinagmamasdan lamang ito. Nakikitang mas pinaghihirapan at pinagtiyatiyagaan ng isang taong makamit ang kaniyang mga pangarap sa pamamagitan ng pagpupunta rito at hindi pagmamasid lamang.



PAGMASID

AT


PAGPUNTA

          Ngayon, kung hindi mo pa masyadong naiintindihan ang pagkakaiba ng dalawang parirala, subukan nating ihambing ito sa isang maaaring mangyari sa Araw ng mga Puso dahil malapit na itong petsang ito (bukas na, kung binabasa mo ito ngayon, ika-13 ng Pebrero).


Si Ate Adnag at si Kuya Irah...

          Papalapit na ang Araw ng mga Puso at nagtatangkang tanungin ni Kuya Irah si Ate Adnag kung maaari ba siyang maging kasintahan niya. Siyempre, naghanda nang todo si Kuya Irah para gawing espesyal ang araw na iyon para sa kaniya at para sa minamahal niya. Inisip niya kung saan kaya sila kakain ng hapunan dahil gusto niya ito maging romantiko. Iniisip din niya kung anong regalo ang ibibigay niya kay Ate Adnag sa araw na ito. Iniisip niya kung bibigyan niya si Ate Adnag ng kuwintas o singsing pero naisip niyang singsing na lamang ang ibibigay niya sa dalaga. 

          (COMMERCIAL MUNA. Dito pa lang, nakikita na nating pinaghihirapan ni Kuya Irah maging perpekto ang araw na iyon para sa kanilang dalawa. Makikitang pumupunta siya sa gusto niyang mangyari at hindi pinagmamasdan lamang ito. Ngayon, ituloy natin ang palabas.)

          Araw ng mga Puso na! Ito na at pupuntahan na ni Kuya Irah si Ate Adnag sa bahay niya. *Ding dong*. Sinimulan ni Kuya Irah ang araw ni Ate Adnag ng isang halik at siya'y pinatuloy na sa loob ng bahay. Pagkalipas ng ilang minuto, sila'y lumabas na at binalak ni Kuya Irah na sila'y mag-date sa Luneta Park. Ngayong nasa Luneta Park na sila, inilibre ni Kuya Irah si Ate Adnag ng lahat ng gustuhin ni Ate Adnag katulad ng pagkain at iba pa.

          Nang gumabi na, niyaya ni Kuya Irah na maghapunan sila sa isang restawran na kung saan ay malapit sa Manila Bay. Pinili niya rito dahil malamig ang simoy ng hangin at ito'y maaring magpakilig pa lalo kay Ate Adnag sa gagawin ni Kuya Irah.

          Habang naghahapunan si Ate Adnag at si Kuya Irah, nagulat na lamang ang mga tao dahil lumuhod sa harapan ni Ate Adnag si Kuya Irah at tinanong ito ng "would you be my girlfriend?" o "maaari ka bang maging kasintahan ko?" at isinuot ang singsing sa daliri ni Ate Adnag. Namula si Ate Adnag at pagkatapos niya sabihin ang matamis na "Oo", naghiyawan ang mga tao at nagpalakpakan at maaari na ngang isa na iyon sa mga masasayang araw ni Kuya Irah.

          Ngayong tapos na ang kuwento ni Ate Adnag at Kuya Irah, makikitang tinangkang puntahan ni Kuya Irah ang pangarap niyang maging kasintahan si Ate Adnag at hindi lamang pinagmasdan ito. Lumuhod si Kuya Irah sa harapan ni Ate Adnag na nagpapakita ng paggamit ni Kuya Irah ng buong katawan niya para ipakita at ipadama kay Ate Adnag ang nararamdaman niya para sa kaniya. Kung walang ginawa si Kuya Irah at hinayaang lumipas lamang ang araw na iyon at walang ginawang espesyal para kay Ate Adnag, masasabing pagmamasid lamang ang ginawa niya dahil wala siyang ginawa. Kung inabot lamang ni Kuya Irah ang singsing sa kaniya, masasabing pag-aabot lamang ito pero lumuhod pa siya sa harapan niya kaya mas makikita ito bilang pagpupunta at mas matimbang ito.

          Sa tingin mo, ano ang mas magugustuhan ni Ate Adnag? Ang hindi pagyaya sa kaniyang mag-date sila, ang pag-abot lamang ng singsing sa kaniya o ang pagluhod ng isang lalaki sa harapan niya at pagtanong sa kaniya kung gusto ba niya maging kasintahan ng lalaki? Sa tingin ko, lalaki ka man o babae, alam mong mas gugustuhin ng isang babae ang lumuhod ang lalaki sa harapan niya habang nagpo-propose.


          Maaaring makita natin si Ate Adnag at si Kuya Irah sa mga taong nabubuhay ngayon. Ang isang halimbawa ay si Presidente Noynoy Aquino at si Grace Lee. Makikitang kahit na isang presidente ang nagmamahal kay Grace Lee, sinusubukan pa rin niyang ipadama kay Grace Lee na gusto niya siya. Kung ikaw ay isang presidente, maaaring madali na lamang magmahal ng ibang tao dahil maraming tao ang magkakagusto sa iyo (at sa posisyon mo) ngunit ang ating presidente ngayon ay pinaghihirapang mapasaya ang kaniyang iniirog at pinapakita niyang dedikado siya sa pangarap niyang babae (pogi points kay Noynoy).




Mga huling salita...

         Tandaan ninyo na ang pangarap ay dapat pinupuntahan at hindi pinagmamasdan lamang. Sa susunod, sa mga iba pang mambabasa riyan, tandaan na mas tumpak ang "go to the stars" at hindi "look at the stars" bilang kahulugan ng Sic Itur Ad Astra. Sa susunod, alam na natin ang isasagot sa pagsusulit. Maligayang Araw ng mga Puso sa inyong lahat!



Bonus Content lamang:
Subukan mong baliktarin ang pangalan ni Irah at Andag at matutuklasan mong sila pala ay si Hari (Manawari) at si (Prinsesa) Ganda.



















"Kapag walang tiyaga, walang nilaga"
-Anonymous


Geronimo Miguel M. Mantes
Fil12-DD
Ginoong Edgar Samar

-----------------------------------------------------------

Mga Sanggunian:


1."virgil-4," Quote Collection image, http://www.quotecollection.com/quote/o-tyrant-love-to-what-do-you-not-drive-the-hearts-of-men/ (accessed February 13, 2012).

2. "Ad astra (phrase)" Wikipedia, 12 February 2012, http://en.wikipedia.org/wiki/Ad_astra_(phrase) (accessed February 13, 2012).

3."Virgil" Wikipedia, 8 February 2012, http://en.wikipedia.org/wiki/Virgil (accessed February 13, 2012).

4. "lookatthestars," explodingdog image, http://explodingdog.com/title/lookatthestars.html (accessed February 13, 2012).

5. "Reach for the stars," iStockphoto image, http://www.istockphoto.com/stock-photo-4886003-reach-for-the-stars.php (accessed February 13, 2012).

Tuesday 31 January 2012

Ang Paggagalingan Ng Lakas Ay Ang Pinanggalingan

Libangin muna ang sarili at laruin itong flash game:


RIVER GAME <-(pindutin ito at hindi ang imahen)


At dahil hindi ko maintindihan ang wika na ginagamit para ipahayag kung paano gumagana ang laro, ako na lamang ang magsasabi kung paano:


      -Dapat mailipat lahat ng tao sa kanang bahagi ng kapatagan.
      -Ang nanay, tatay at pulis lamang ang marunong magpagana ng balsa.
      -Bawal ipagsama ang nanay at anak na lalaki, tatay at anak na babae.
      -Kailangang andiyan ang pulis para bantayan ang magnanakaw.
      -Dalawa lamang ang maaaring sumakay sa balsa sa bawat pagtawid nito.



          Natapos mo ba ito? Naramdaman kong matagal-tagal mong pinag-isipan kung ano ang gagawin sa larong iyan. Siyempre, kung alam mo na kung papaano, madali na iyan para sa iyo. Ako nga'y sinusubukan ko pa ring tapusin ang larong ito habang sinusulat ko ito (Haha! Pampalibang lang naman sa akin).

          Ang konsepto ng laro ay walang kinalaman sa aking sasabihin ngunit ang mga pangyayari sa laro ay may kinalaman dito at ito na nga ay ang pagtatawid ng mga tao sa isang ilog.



          Ayon kay Ginoong Heraclitus, isang Griyegong  pilosopo, bawal mong tawirin ang parehas na ilog ng dalawang beses o sa kaniyang mga salita, "You cannot cross the same river twice." Sinasabi niya na hindi maaaring mangyari ulit ang nangyari sa iyo ng ikalawang beses ngunit sa nakita natin sa laro na ipinakita ko sa ibabaw, maaari mong gawin ulit ang nagawa mo na rati. Maaari mong tawirin ang parehas na ilog ng dalawang beses (hindi literal ang ibig sabihin nito ngunit pwede ngang literal din). Alam kong hindi ako pilosopo kaya't pasensya na kay Ginoong Heraclitus kung hindi ako aprub sa kaniyang sinabi. Peace po tayo! Ako'y naglalahad lamang ng aking opiniyon.

          Para sa akin, may dalawang hakbang para magawa mo ulit ang isang bagay na gusto mong ulitin dahil hindi mo basta lamang mauulit ang nangyari o nagawa mo ng pangalawang beses.

-------------------------------------------


_UNANG HAKBANG_
          Dapat kang bumaling o kaya'y bumalik sa iyong pinanggalingan kagaya ng ginagawa sa laro sa itaas na kung saan kailangan mong ibalik ang balsa sa kapatagan sa kaliwa para mailipat pa ang ibang tauhan sa laro. Importante ang pagtitingin sa kinaroroonan dahil makikita mo kung paano mo ginawa ng ika-unang beses ang isang bagay. Maaari mo ring pagnilayan kung paano at ano ang ginawa mo. Maaari mo ring tignan ang mga tama at maling nagawa mo para ulitin mo pa rin ang mga tama at iwasan na ulitin ang mga kamalian. Pagkatapos nito, lumusong ka na ng isang hakbang...


_IKALAWANG HAKBANG_
          Ulitin ang ginawa mo nang mas mabuti pa kaysa sa ika-unang pagkakataon. Makikita pa rin sa laro sa ibabaw na sa bawat pagbalik ng balsa sa kapatagan sa kaliwang bahagi, sinusubukan mong pagbutihin lalo ang paglutas kung papaano mananalo sa laro. Bawat pagbalik ng balsa ay ibang tao naman ang dinadala at nakikita rito na pinagbubuti ang gawain sa ikalawa, ikatlo at ika-apat na pagbalik ng balsa.  Iniiwan ang mga maling tao at hindi pinasasakay kaagad sa balsa dahil hindi sila makakatulong sa problema at isasakay naman sa balsa ang mga tamang tao o kaya'y mga makalulutas ng problema. Kung hindi ka naniniwala sa akin ay may hamon ako sa iyo. Subukan mong paulit-ulit lamang ang mga taong kinakarga ng balsa at tignan natin kung malulutas mo ang problema ng laro.


Haha! Biro lamang siyempre.

Ngayon, ito ang isang pangyayari na kamakailan lamang na swak na swak para sa aking pinagusapan.


_PBA PHILIPPINE CUP 2012_
          Ang isang halimbawang maibibigay ko ay ang mga laro para sa Philippine Cup 2012 ng PBA o Philippine Basketball Association ng Talk 'N Text at ng Powerade na katatapos lamang noong Enero 29, 2012. Paunahan ang bawat koponan na maka-apat na panalo para sa serye na ito. Naipanalo ng Talk 'N Text ang unang tatlong laro at naging 3-0 ang kanilang istandings laban sa Powerade. Sa ika-apat na laro, natalo ang Talk 'N Text sa Powerade at 100-97 ang naging iskor kaya naging 3-1 na at dahil dito, ito ang sinabi ni Ginoong Chot Reyes, ang nagtuturo sa Talk 'N Text, sa lahat ng tao (at siguro sa kaniyang koponan na rin mismo).

"To win the game, we have to play our strengths. Tonight (ang ika-apat na laro) we didn't, and we got our butts kicked," o "Para maipanalo ang laro, kailangan namin maglaro nang malakas ngunit ngayong gabi'y hindi namin nagawa iyon at nasipa ang aming mga puwit."
Makikita ritong binalikan ni Ginoong Reyes ang nangyari noong ika-apat na larong dapat ay nasungkit na nila ang kampeonato (pinapakita rito ang UNANG HAKBANG). Binalikan niya ang pinanggalingan o ang huling laro ng koponan at tinignan niya kung bakit natalo sila. Gumawa siya ng mas magandang plano at pinag-aralan na nang mabuti ang kalakasan nila at ang kahinaan ng kalaban (pinapakita rito ang IKALAWANG HAKBANG). Sa ikalimang laro, nanalo ang Talk 'N Text laban sa Powerade, 110-101, at dito na nila nasungkit ang kampeonato. Nagtagumpay ang plano ni Ginoong Reyes at ipinakita niya na kung kaya nila manalo sa ika-una, ikalawa at ikatlong laro, kahit na natalo sa ika-apat na laro, ay kaya rin nila manalo sa ikalimang laro na nagpapatunay ngang kaya nila tawirin ang isang ilog ng dalawang beses...tatlong beses...o apat na beses pa nga.


Oo nga pala, hindi lang mga laro laban sa Powerade ang ilog na tanging natawid nila ng dalawang beses o mas marami pa. Naging kampeon din ang Talk 'N Text noong 2008-2009, 2010-2011 at siyempre, ngayong 2011-2012. Pati mga kampeonato ay ginawa nilang ilog na natawid nila ng mas marami pa sa dalawang beses!


                           -------------------------------------------

          Kagaya nga ng sinabi ko, maaari mong gawin ang isang bagay ng ikalawang beses ngunit hindi mo maaaring gawin ulit ito katulad ng dati. Kailangan mo munang balikan at pagnilayan ang bagay na ginawa mo ng ika-unang pagkakataon at ulitin mo ito ngunit, mas mahusay at mas magaling kaysa sa ika-unang pagkakataon.



          Sinusuportahan din ito ng kasabihan ni Ginoong Friedrich Nietzsche na "history repeats itself" o "inuulit ng kasaysayan ang kaniyang sarili". Ang gusto ko lamang sabihin dito ay hindi ang kasaysayan ang umuulit ng sarili niya ngunit IKAW ang umuuilit ng kasaysayan (pasensya naman ngayon kay Ginoong Friedrich at iniba ko ang kasabihan niya). Nasa iyo kung uulitin mo ang kasaysayan ngunit bago mo gawin ito, pagnilayan mo muna ito at ulitin nang mas mahusay sa susunod.


Gusto ko lang sabihing natapos ko rin ang laro na inilagay ko sa ibabaw. Sana'y natapos mo rin!








"Huwag mo lang kalimutang lumingon sa iyong pinanggalingan Amang," - Butuhang Matanda (Diwata ng Kagubatan)
HARI MANAWARI


Geronimo Miguel M. Mantes
Fil12-DD
Ginoong Edgar Samar
          
                               -------------------------------------------
Mga Sanggunian:


1. "River Game," 2flashgames Game, http://www.2flashgames.com/f/f-769.htm (accessed January 31, 2012).
2. "River Game - Free Online Puzzle Games," flasharcade Image, http://www.flasharcade.com/puzzle-games/river-game.html (accessed January 31, 2012).
3. 60686967@N07, "Heraclitus," Flickr image, http://www.flickr.com/photos/60686967@N07/5863920046/in/photostream/ (accessed January 31, 2012). 
4. "Heraclitus" Wikipedia, 11 January 2012, http://en.wikipedia.org/wiki/Heraclitus (accessed January 31, 2012).
5. mermorph56, "Troll Face," Flickr image, www.flickr.com/photos/mermorph56/6186514389/in/photostream/ (accessed January 31, 2012).
6. Nelson Beltran. "Tigers spring back to life, force Game 5." philSTAR, 28 January 2012, http://www.philstar.com/sportsarticle.aspx?publicationsubcategoryid=69&articleid=772042&keyword=sp_pba (accessed January 31, 2012).
7. willie_arolf71, "TnT-Coach-Chot-Reyes," Flickr image, http://www.flickr.com/photos/willie_arolf71/3073049036/ (accessed January 31, 2012).
8. InterAKTV. "Mighty Talk 'N Text defeats gallant Powerade to retain Philippine Cup." InterAKTV, 29 January 2012, http://www.interaksyon.com/interaktv/mighty-talk-n-text-defeats-gallant-powerade-to-retain-philippine-cup (accessed January 31, 2012).
9. "PBA Philippine Cup" Wikipedia, 29 January 2012, http://en.wikipedia.org/wiki/PBA_Philippine_Cup (accessed January 31, 2012).
10. mansionwb, "Friedrich Nietzdche," Flickr image, http://www.flickr.com/photos/mansionwb/3585900146/ (accessed January 31, 2012).
11. "Friedrich Nietzsche" Wikipedia, 31 January 2012,  http://en.wikipedia.org/wiki/Friedrich_Nietzsche  (accessed January 31, 2012).
12. Gervacio, German. Hari Manawari. Publikasyong Tapat, 2011. (accessed January 31, 2012).

Sunday 22 January 2012

Paglaruan Mo Ang Mga Titik Ko

(Appetizer) Pampagana muna: ano ang naiisip mo sa salitang "pokpok"?

Ito ba:

*mula sa http://www.flickr.com/photos/zoofythejinx/255395476/

o ito?


*mula sa http://www.flickr.com/photos/48345595@N08/4699455988/

               Sa pinanuod naming palabas na itinanghal ng ENTABLADO na nagngangalang R.I.P., nabighani ako mismo sa istorya at palabas ngunit may isang bagay ang nakahuli sa aking mata, tainga, at atensyon at iyon ay ang paglalaro ng mga aktor ng kanilang mga salita.


                Paglalaro ng salita? Ito ay ang paggamit ng mga aktor ng piling salitang nababagay sa kanilang pangungusap para mag-iba ang ibig sabihin ng salitang ito. Sa tingin ko, nagdedepende sa kultura ng mga tao kung maiintindihan ba nila ang mga iba’t ibang salita na nagkakaroon ng dalawang ibig sabihin sa dula.



                Ang isang hailimbawa ng paglalaro ng salita o ang paggamit ng salitang may dalawang kahulugan ay ang linyang “Nabilaukan ako sa mabalahibo mong okra” na sinabi ni Toming sa dula. Habang sinabi niya ito, nagtawanan ang mga tao at isa na ito sa mga senyas na may kakaibang ibig sabihin ang ilang salita sa pangungusap na ito dahil walang nakakatawa kung babasahin mo ito ng literal. Para sa akin, napakahusay kung paano niya ito sinabi dahil sinabi niya ito na parang wala na itong iba pang kahulugan pero para sa mga manonood, katulad ko, mayroon pa at kaya kami natawa. Swak na swak na sabihin ni Toming ang mga ganiyang bagay dahil alam ng direktor at ng gumawa ng iskrip na ang mga manonood (mga estudyante) ay lumaki sa isang komunidad na nalalamang ang okra ay isa pang salita na nangangauhulugang titi o ang pribadong bahagi ng isang lalaki. Ang iba sa mga tao na marunong managalog ay natutunan nang makagawa ng isang imahen sa utak nila gamit lamang ang mga letrang ginamit sa salitang “Okra”. Kapag ginamit ang salitang okra sa iba pang pangungusap, maiintindihan ng mga manonood ang salita na ito bilang isang gulay ngunit kapag ginamit ito sa isang pangungusap kagaya ng “Nabilaukan ako sa mabalahibo mong okra”, nag-iiba na ang kahulugan nito para sa mga manonood.



                Ang iba pang halimbawa na ginamit sa R.I.P. ay “Ano ang tunog ng martilyo? Pokpok!” Malakas na halakhak ang natanggap ni Toming mula sa mga manonood noong sinabi niya itong linya na ito. Maaaring literal na tunog ng martilyo lamang ang sinasabi ni Toming ngunit to rin ay maaaring maging isang salita na nangangahuluhang “babaeng puta” at ito’y nakagawian na natin sa ating kultura dito sa Maynila. Masasabi kong mas inisip ng mga nanonood ang kahulugan ng pokpok bilang “babaeng puta” kaysa sa tunog ng martilyo dahil tumawa ang mga nanonood at dahil wala namang nakakatawa kapag sinabi lamang ni Toming ang tunog ng martilyo. Kagaya ng salitang “okra”, dahil sa kultura kung saan lumaki ang mga manonood o mga estudyante, napupukaw sa mga isip nila ang imahen ng isang babaeng puta mula lamang sa mga letrang bumubuo ng salitang “pokpok.” Sa tingin ko, itong ikalawang imahen (ang babaeng puta) ng salitang “pokpok” ay lumabas sa mga utak ng manonood, pati sa akin, dahil na rin sa konstruksyon ng pangungusap na ginamit ni Toming.


---------------------------------------
                Batay sa linguistic sign ni Ginoong Ferdinand de Saussure, sinabi niya na ang wika ay binubuo ng mga signs at ang bawat sign ay may signified at signifier.  Ang signifier ay ang mismong salita at ang signified ay ang konsepto ng salita. Dapat palaging magkasama ang dalawang ito sa isang salita. Sinabi rin niya na walang tiyak na relasyon ang signifier at ang signified dahil maaring magkaroon ng iba’t ibang signified ang isang signifier batay sa kultura ng taong nagbabasa o umiintindi sa salitang ito. Para sa aking kalagayan, ang aking signifier ay ang salitang “okra” na ginamit ko kanina at ang signified nito ay marami. Kung ginamit lamang ito sa pangungusap na “kakain ako mamaya ng okra”, ang signified nito ay isang pagkain lamang. Kung ginamit naman ito sa pangungusap na “Nabilaukan ako sa mabalahibo mong okra”, ang signified nito ay nagiging pribadong bahagi ng isang lalaki. Maaaring nakatulong ang mga salitang “nabilaukan” at “mabalahibo” para maging signified sa salitang “okra” ang pribadong bahagi ng lalaki dahil medyo nagiging malaswa ang ibig sabihin ng okra dahil sa mga salitang ito. Kagaya ng sinabi ko kanina, nahalata kong ang signified para sa salitang “okra” at “pokpok” ay malalaswa kagaya ng “babaeng puta” at ang pribadong bahagi ng lalaki dahil tumawa ang mga tao sa mga bahaging ito dahil ang mga ganitong bagay ay hindi natatangi sabihin sa isang publikong palabas kung saan kahit sino ay maaaring manood.


                               ---------------------------------------
                Maaari ring makita sa mga imahen ang isang bagay kung saan maaaring dalawa ang ibig sabihin nito. Ang isang halimbawa ay ang larawang ito:



*mula sa http://www.flickr.com/photos/xtaongbundok/2658174142/

Makikita na ito’y isa lamang pangalan ng eskuwelahan ngunit ako’y natawa dahil ito’y hindi isang karaniwang pangalan ng isang eskuwelahan. Nag-iiba ang signified ng salitang “inuman” na dapat ay isang pangalan ng eskuwelahan. Para sa akin, ang salitang “inuman” ay nangangahulugang mga taong umiinom ng alak at kaya siguro'y natawa ako sa larawang ito.


                Sa isang bidyo naman, maaari ring matagpuan ang mga salitang may dalawang kahulugan at ito ang aking halimbawa. Ito ang kantang Please Don’t Touch My Birdie ng Parokya ni Edgar:


*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=8Bf-5S_60Kw

Maaaring ang salitang “birdie” ay isang salita na nangangahulugang isang ibon lamang ngunit para sa iba, ang ibig sabihin nito ay ang pribagong bahagi ng lalaki. Nagiging pribadong bahagi ng lalaki ang signified nito dahil kung papaano kinakanta ni Ginoong Chito Miranda, ang kumakanta para sa Parokya ni Edgar, ang kantang ito. Sa tingin ko, maaari ring nagiging malaswa ang ibig sabihin nito dahil kung papaano sinulat ang kanta, may mga iba pang mga pangungusap na tumutulong maging malaswa ang ibig sabihin ng kanta katulad ng pangungusap na “Ang birdie ko ay medyo masungit, kaunting hawak lang siguardong magagalit!” Dahil dito napapalitan sa akin ang ibig sabihin ng salitang “Birdie” sa kantang ito ng panandalian.



                Mapa-teatro, imahen, o kanta man, hindi maiiwasang magkaroon ng dalawang kahulugan ang ilang mga salita. Ito’y bahala na sa mga magtatanghal o kakanta kung ang gusto ba nilang kahulugang ipadating sa atin ay ang literal na kahulugan o iba pang kahulungan na mas malalim pa rito. Nakasalalay sa kanila kung papaano nila sasabihin, ipapakita, ipaparamdam at ilalahad ang salita sa atin, mga manonood, at nakasalalay naman sa atin kung paano natin ito iintindihin at tatanggapin.








Geronimo Miguel M. Mantes
Fil12-DD
Ginoong Edgar Samar
                                 ----------------------------------------

Mga Sanggunian:

1. zoofythejinx, "Hammer," Flickr image, http://www.flickr.com/photos/zoofythejinx/255395476/ (accessed January 22, 2012).

2. 48345595@N08, "Sexy-Lady-in Lehrer Outfit," Flickr image,  http://www.flickr.com/photos/48345595@N08/4699455988/  (accessed Januarry 22, 2012).

3. "Sign (Linguistics)." Wikipedia, 15 January 2012, http://en.wikipedia.org/wiki/Sign_(linguistics) (accessed January 22, 2012).

4. xtaongbundok, "Inuman Elementary School," Flickr image, http://www.flickr.com/photos/xtaongbundok/2658174142/ (accessed January 22, 2012).

5. TodashDarkness, "Please Don't Touch My Birdie," YouTube video, 5:23, http://www.youtube.com/watch?v=Jb5xs-u5mvU   (accessed January 22, 2012).

6. "Please Don't Touch My Birdie Lyrics," Metrolyrics, http://www.metrolyrics.com/please-dont-touch-my-birdie-lyrics-parokya-ni-edgar.html (accessed January 22, 2012).