Wednesday 7 March 2012

Alaalang Malala


Ang trahedya...


          Kaninang umaga, Marso 7 2012, sinubukan kong pumarada sa parking area malapit sa covered courts ng kolehiyo ng Ateneo. Bigla na lamang may sasakyang umatras habang ako'y naghahanap ng lugar kung saan ako maaaring pumarada. Pagkatapos ay bumusina ako nang malakas dahil tatama na ang likod ng kotse niya sa kaliwang bahagi ng sasakyan ko ngunit tumuloy pa rin siya at dahil dito, bumangga ang likod ng kotse niya sa gilid ng sasakyan ko. Noong una'y wala akong narinig na ingay na maaaring nagresulta ng bunggo ngunit noong bumaba ako sa kotse pagkatapos ko makahanap ng bakanteng lugar para pumarada ay bumulaga sa akin ang isang mahabang gasgas. Nainis ako at kinausap ko ang nagbabantay kung napansin ba niya ang kotseng nakabangga sa akin at sinabi niyang hindi raw kaya sinabi ko na lamang sa kaniya na tingnan ang CCTV camera nila para matukoy nila kung sino ang nakabangga sa akin at babalikan ko sila.






          Maaaring wala lamang para sa iyo ang kuwento na ito ngunit kapag ito'y nangyari sa iyo, hindi ba't maiinis ka rin? Oo, siyempre at maiinis ka rin dahil ginasgasan ng isang tao ang sasakyan mo at hindi man lamang humingi ng paumanhin ngunit kapag humingi siya ng paumanhin, papatawarin mo ba?




Magpatawad ka...


          Tinuro na sa atin ng Diyos na dapat nating patawarin ang mga taong nagkasala sa atin. Hindi naman maaaring buong buhay mong hindi patatawarin ang isang tao dahil siguradong gagaan din ang loob mo sa kaniya pagkalipas ng oras. May mga pagkakataon namang hindi mo talaga mapapatawad ang isang tao sa ginawa niya kapag siya'y pumatay o gumawa ng iba pang krimen na malala katulad ng pagpatay pero madalas naman, pinapatawad ng mga tao ang ibang tao. Madaling magpatawad ngunit mayroong mas mahirap gawin sa pagpapatawad at iyon ay ang...




Kumalimot...


          Oo, madaling magpatawad ngunit hindi madaling kumalimot. Halimbawa na lamang ay ang nangyari sa akin. Kapag lumapit sana sa akin ang nakabangga sa akin ay mapapatawad ko siya ngunit siyempre, hindi ko na makakalimutang ginawa niya iyon. Bakit nga ba? Ito'y dahil sa mga markang iniwan niya sa kotse ko. May mahabang gasgas na ang kotse ko at ito ang nagiging palatandaang hindi na mabubura ang ginawa niya sa sasakyan ko. Hindi lamang sa kotse nangyayari ang mga bagay na ito. Ang isang halimbawa pa ay ang pag-ibig.


          Sa pag-ibig, gagawin mo ang lahat para maging kabiyak mo ang minamahal mo. Sabihin na nating naging kabiyak mo na ang ginugusto mo dati pa. Bigla mong nalamang nakikipagkita na pala ang kabiyak mo sa ibang lalaki o babae. Masasaktan ka nang bongga, hindi ba? Siyempre, hindi kayo mag-uusap nang matagal dahil nasaktan ka niya ngunit kapag tumagal, mapapatawad mo na siya sa ginawa niya sa iyo. Siya'y mapapatawad mo (kahit mahirap para sa iyo) ngunit makakalimutan mo kaya ito? Sa tingin ko'y hindi dahil andiyan ang alaala para ipaalam sa iyong sinaktan ka ng lalaki o babaeng ito.




          Maaaring ganito ang nararamdaman ng mga taong nasaktan sa pag-ibig. Mahirap para sa kanila ang magpatawad at may desisyon silang magpatawad o hindi. Sa tingin mo, isa bang desisyon ang kumalimot?




Kaibahan...


          Ang pagpapatawad at pagkakalimot ay dalawang magkaibang bagay. Ang pagpapatawad ay nangyayari kung gusto mong maging kaibigan pa rin ang gumawa ng mali sa iyo o hindi na. Maaari kang mamili kung gusto mong magpatawad o hindi. Maaari kang mahirapan sa pagpapatawad dahil maaaring malala ang nangyari sa iyo kaya hindi ka makagawa ng desisyon kaagad.


          Para naman sa pagkakalimot, hindi ito isang desisyon. Hindi ka maaaring pumili kung gusto mong makalimutan ang isang bagay o hindi (basta ay wala kang kahit anong sakit para makalimutan ang mga bagay at anesthesia). Ito'y dahil sa alaala mo. Nandiyan lamang ang alaala mo para sabihin sa iyong nangyari itong bagay na ito. Hindi mo ito mabubura kaya palaging nasa utak mo lamang ang pangyayaring ito. Masasabing ang alaala ang permanenteng marka para ipaalala sa iyo na nangyari ang ganitong bagay sa iyo, masaya man ito o malungkot.






Mga huling salita...


         Babalikan ko pa bukas ang nagbabantay sa parking area kaninang umaga para malaman ko ang plate number at ang pangalan ng taong bumangga sa akin. Siyempre, hindi ako mapakali sa nangyaring ito dahil andiyan ang mga gasgas sa sasakyan para ipaalala sa akin na nabangga ako ng isang tao, isang senyales na hindi ko ito makakalimutan. Maaaring humingi siya ng tawad (at dapat niyang bayaran ang nangyari sa sasakyan ko) at siya'y patatawarin ko, pero hindi ko makakalimutan.


          Kung sino man ang nagsabi ng linyang "forgive and forget", ang masasabi ko lamang ay "forgive but you can never forget."








"Forgive your enemies , but never forget their names"
-John F. Kennedy

Geronimo Miguel M. Mantes
Fil12-DD
Ginoong Edgar Samar


-------------------------------------------------------------

Mga Sanggunian:

1. "collision" Physics and Car Collisions image, http://ffden-2.phys.uaf.edu/211_fall2002.web.dir/Rodney_Wehr/webpages/physicsandcarcollisions.htm (accessed March 7, 2012).

2. "tumblr_lewreeuwoR1qfw86ao1_500" Tumblr image, http://arwati.tumblr.com/post/2712028645/forgive-to-forget-forget-to-forgive (accessed March 7, 2012).

2 comments:

  1. Naisaalang-alang na sana ang wastong dokumentasyon ng sanggunian. Walang bago sa ideyang ibinabahagi subalit dahil sa paglalahad ng personal na karanasang pinaghuhugutan nito, binibigyan kita ng +1 na LG.

    ReplyDelete